SC writes decision purely in Filipino
FULL TEXT: PEOPLE OF THE PHILIPPINES, appellee vs. VENTURA VINUYA Y DELA CRUZ, appellant. [G.R. No. 125925. January 28, 1999].
Si Ventura Vinuya na umabot lamang sa ikalimang baitang ng mababang paaralan ay inihabla ng salang panggagahasa na naganap noong ika-24 ng Abril, 1995 sa 10-taong gulang na batang si Bonavi Reyes. Nang si Ventura ay iniharap sa Mababang Hukuman para litisin ay itinanggi niya ang bintang na panggagahasa, kayat ang habla laban sa kanya ay sinimulang dinggin.
Sa pag-litis ng usapin ay inihayag ng Taga-usig (Prosecution) ang mga patunay nito laban kay Ventura. Habang patuloy ang pag-dinig ng usapin, si Ventura, kasama ang dalawang manananggol na itinalaga ng Mababang Hukuman para sa kanya, ay nagpahiwatig na nais niyang palitan ang kanyang tugong pagtanggi ng tugong pag-amin sa salang isinampa. Bagamat hindi pa tapos ang mga Taga-usig na maghayag ng kanilang mga patunay, ay wala silang pagtutol sa pag-amin ni Ventura sa bintang na pang-gagahasa. Subalit, dulot marahil nang kabigatan ng salang isinampa ay inatasan ng Mababang Hukuman at binigyan nang sapat na pagkakataon ang mga tagapagtanggol ni Ventura na masinsinang ipaliwanag sa huli ang maaring kalalabasan nang kanyang pag-amin sa sala at para mapag-munimunihan din niya ang kanyang gagawin.
Nang sumunod na mga araw ng pagdinig ay inihayag ng mga manananggol ni Ventura na sa kabila ng kanilang pagpaliwanag sa kanya kung ano ang maaring mangyari, ay handa pa rin siyang (Ventura) panindigan na aminin ang nasabing bintang. Kaya nang muling tanungin ng Hukuman, inamin ni Ventura ang paratang sa kanya. Para makatiyak kung bukal sa kalooban ni Ventura ang kanyang pag-amin at ayon na rin sa itinatadhana ng mga Alituntunin ng Hukuman ay ipinasailalim siya sa pagtatanong. Nabatid ng Hukuman mula sa patatanong nito sa 21-taong gulang na si Ventura na siya ay may sapat na pangangatawan at kaisipan, na nauunawaan niya ang kanyang pag-amin sa sala, na sa pamamagitan ng pag-amin niya ay hindi na kailangan pang magpakita ng anumang patunay ang Taga-usig o nagsasakdal, at maari na siyang agad patawan nang kauukulang parusa sa salang pang-gagahasa nang nasabing bata.
Dahil dito ay nagpalabas ang Mababang Hukuman ng Kapasyahan na si Ventura ay nagkasala ng pang-gagahasa sa nabanggit na bata, hinatulang magdusa ng kaparusahang reclusion perpetua at magbayad ng halagang tatlumpong libong piso (P30,000.00) sa bata. Mula sa naturang kapasyahan ay isinampa ni Ventura ang paghahabol sa Kataas-taasang Hukuman, kung kaya ipinag-utos ng Mababang Hukuman na isalin ang mga papeles ng usapin, kaya nga lamang ay sa Hukuman ng Paghahabol (Court of Appeals).
Sa Hukumang ito ay humiling ang manananggol ni Ventura na muling ibalik sa Mababang Hukuman ang usapin sa kadahilang hiniling nila sa huling Hukumang nabanggit na (a) payagan si Ventura na palitang muli ang kanyang tugon na pag-amin sa pang-gagahasa; (b) ipawalang-bisa ang kapasyahan ng Mababang Hukuman; at (k) muling itakda ang pre-trial at plea bargaining.
Ayon sa mga Alituntunin ng Hukuman, ang sinumang nasasakdal sa pag-kakasalang may taglay na parusang kamatayan, at umaming nagawa niya yaong pagkakasala ay hindi maaaring hatulan kaagad. Itinatadhana rin ng mga Alituntunin na dapat utusan ng Hukuman ang Taga-usig o nag-sasakdal na patunayan ng walang anumang pasubali na nagawa nga nang nasasakdal ang kasalanang iniharap laban sa kanya. Hindi sapat na sabihin lamang ng Hukuman na ang nasasakdal ay kusang-loob na umaamin sa bintang sa kanya. Kinakailangang sa mga pag-tatanong ng Mababang Hukuman ay mabatid nito ang saloobin ng nasasakdal ukol sa kanyang pag-amin. Ito ay kailangan upang mag-karoon ang mas mataas na Hukuman nang sapat na gabay para malaman kung totoong tunay na naunawaan at naintindihan ng nasasakdal ang kahulugan, kahalagahan at kahihinatnan ng kanyang pag-amin.Subalit ang mga nabanggit ng mga pamamaraan ay ginagawa lamang kung ang pagkakasaad ng sala sa information o complaint ay maaring ituring na capital offense o kasalanang may taglay na parusang kamatayan. Batay sa pagkakalahad ng kasalanan sa usaping isinampa laban kay Ventura ay hindi ito maituturing na capital offense bagkos ay non-capital offense lamang. Dahil sa ang isinampa ay "non-capital offense", ang pag-bawi ng isang nasasakdal sa kanyang tugon na pag-amin, matapos maglabas ng kapasyahan ang Hukuman, ay pinapayagan nang mga Alituntunin ng Hukuman. Kung kaya ang pamamaraang dapat sundin ay ang itinatadhana ng Baitang 4 ng Alituntunin Bilang 116 na nagsasaad na sakaling ang isang nasasakdal na tumugon ng pag-amin sa salang isinampa, ay nagpapahintulot sa Hukuman na tumanggap ng mga patunay -- hindi para patunayan pa na nagawa nga niya ang naturang sala sapagkat inamin na niya ito -- kundi para alamin kung ano ang kaukulang parusa na dapat ipataw sa kanya ayon sa mga kaganapan at patunay sa usapin. Pero ang naising tumanggap ng mga patunay ay nakasalalay sa maingat at wastong pagpapasya ng Hukuman. Dagdag pa dito, sinasaad din sa mga Alituntunin na sa anumang panahon bago maging final ang kapasyahan ng Hukuman, ay maaring pahintulutan o payagan ang nasasakdal na bawiin ang kanyang tugon na pag-amin sa bintang at palitan ng hindi pag-amin. Muli, kung papayagan ang nasasakdal na bawiin ang kanyang tugon ay nakasalalay sa matalinong kagustuhan ng Hukuman. At ang kapasyahan ukol sa pagbawi ng tugon ay hindi karaniwang binabago ng mas mataas na Hukuman kapag walang naipakitang masidhing pagkakamali o abuso ang Mababang Hukuman. Sa usaping ito ay walang naturang pagkakamali o abuso na nagawa ang Mababang Hukuman, kung kaya dapat sangayunan ang kapasyahan nitong hindi payagan si Ventura na bawiin at muling palitan ang kanyang tugon.
Ganoon pa man, sa kabila ng mga nabanggit, ay mayroong mga pag-kakataon kung saan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga Alituntunin ng Hukuman ay dapat paluwagin hindi lamang para sa mabilis, kung hindi higit sa lahat para sa makatarungang pag-pasya sa usapin. Ang usaping ito, ay humikayat para muling paluwagin ang pamamaraang itinadhana ng Kataas-taasang Hukuman. Ang Saligang-Batas na umiiral sa lipunang ating ginagalawan ay mahigpit na ipinag-babawal ang pagtatangi-tangi. Kasing-higit sa pagtatanggol ng puri at dangal ng isang 10-taong gulang na musmos na ni hindi pa man lamang kumakatok sa pintuan ng pagiging dalagita ay ang buhay, kinabukasan at pangalan ng isang napagbintangang nakagawa ng karumal-dumal na pag-yurak sa dangal at kamusmusan ng mga walang-malay na bata, sapagkat siya ay itinuturing na walang sala hanggat hindi napapatunayang nag-kasala.
Totoo ang minsang nabanggit ng magiting na dating kasapi ng Hukumang ito na si Mahistrado Ricardo J. Francisco na ang pagwasak sa puri ng isang nagdadalaga na walang kamalaymalay sa kamunduhan ay gawa ng isang halimaw na nararapat lamang na patawan ng kaukulang kaparusahan ng mga hukuman ng ating lipunan. Subalit sa kabila nito, ay pumapaimbulog ang paniniwalang nakalahad sa ating Saligang Batas na ituring na walang kasalanan ang sinumang inihabla hanggat hindi napapatunayan na nagkasala ng walang anumang pasubali ng ating mga hukuman. Kasama ditong mananaig ay ang pag-lapat ng katarungang dumaan sa kaukulang pamamaraang itinatadhana ng Saligang-Batas. Ang mithiin na mga Alituntunin ay hindi ang pikit-matang ipatupad ito ng walang pakundangan. Bagkos ang mga pamamaraang dapat sundin ay inilatag para maging gabay sa pagsisiyasat tungo sa pag-alam ng mga tunay na pang-yayari na pilit itinatago sa tabing ng kasinungalingan. Sa pagbibigay saysay sa katarungan ay kinakailangang mabatid ang lantay at payak na katotohanan sa pamamagitan ng mga patunay na nakuha lamang ayon sa pamamaraan na itinadhana at pinapayagan ng batas.
Marapat sanang sinuri nang Mababang Hukuman at tinanong ang mga tagapagtanggol ni Ventura - at hindi lamang si Ventura - para tiyakin na malinaw na naipaliwanag sa nasasakdal ang kahihinatnan ng kanyang pag-amin. Datapuwat ang pamamaraang ito ay wala sa mga Alituntunin, ang isang Hukom ay hindi dapat mag-pasya nang ayon lamang sa kung ano ang sinasaad sa batas kundi kung ano ang nararapat. Ito ay hindi ginawa ng Mababang Hukuman. Totoong kahindik-hindik ang salang pang-gagahasa lalo na kapag bata ang biktima, subalit ang nasasakdal, maging sino man siya, ay may mga karapatang pantao, tulad ng kaukulang pag-dinig, na dapat igalang ayon sa itinatadhana ng Saligang-Batas.
Kaya papapayagan na ibalik ang usapin sa Mababang Hukuman, hindi para muling umpisahan ang usapin, kundi ituloy na lamang ang natigil na paglalahad ng Taga-usig ng mga patunay bago palitan ni Ventura ang kanyang tugon na aminin ang bintang. Itoy batay na rin sa karapatang mabilis na paglitis ng usapin na itinatadhana hindi lamang ng Saligang-Batas kundi ganoon din ng Speedy Trial Act of 1998 sa ilalim ng Republic Act No. 8493 at Supreme Court Circular 38-98.
DAHIL SA MGA NABANGGIT, ay ipinag-uutos ng Hukuman na ibalik ang usaping ito sa Mababang Hukuman para ipagpatuloy ang napigil na paglalahad ng Taga-usig o nagsasakdal ang kanilang mga patunay at ituloy ang pagdinig sa usapin ayon sa itinatadhana ng mga Alituntunin ng Hukuman.
IPINAG-UUTOS.