Babayaran ba ng anak ang utang ng yumaong magulang?

PUWEDE bang agawin ang mana ng isang tao para gamiting pambayad ng utang ng kapwa niya tagapagmana? Ito ang tanong sa kaso ni Juanito at kanyang apat na kapatid.

Si Juanito at ang kanyang mga kapatid ang legal na anak nina Fernando at Rosa. Isang matagumpay na negosyante si Fernando at nakabili siya ng lupa mula sa mga primera-klaseng lugar sa Maynila na nagkakahalaga ng milyong piso. Nang mamatay si Fernando, hindi agad nahati ang kanyang mga ari-arian. Sa katunayan, 12 taon matapos mamatay si Fernando ay ganoon pa rin ang estado ng mga ari-arian. Si Rosa naman na asawa ni Fernando at nanay nina Juanito ay natalo sa isang kaso at pinagbabayad nang malaking halaga bilang danyos.
SOURCE: Jose C. Sison (IKAW AT ANG BATAS!). February 28, 2012 - 12:00am. Hindi babayaran ng anak ang utang ng ina. philstar.com/opinyon/2012/02/28/781536/hindi-babayaran-ng-anak-ang-utang-ng-ina.

Upang masunod ang desisyon ng korte at mabayaran ni Rosa ang danyos, binatak ang limang parselang lupa na pawang nakarehistro sa pangalan ni Fernando at ibinenta ng sheriff sa public auction. Nang malaman ito ni Juanito at ng kanyang mga kapatid, agad silang nagsampa ng kaso sa korte para mapawalang-bisa ang naganap na bentahan at para mabawi ang lupang kinamkam sa kanila. Ayon kay Juanito at kanyang mga kapatid, hindi sila dapat managot dahil una, hindi sila kasama sa kaso ng ina at pangalawa, may karapatan sila bilang “co-owners” ng lupa ng namatay nilang ama. Kaya ang lupa ay hindi puwedeng ibenta upang ipambayad lang sa pagkakautang ng kanilang ina. Tama ba sila?

TAMA. Mula sa sandaling namatay si Fernando ay nagkaroon na si Juanito at ang kanyang mga kapatid ng karapatan bilang tagapagmana ng ama. May karapatan sila sa kalahati ng ari-arian ng mag-asawa bilang conjugal share o parte ni Fernando. Magiging kahati lang nila sa parte ni Fernando ang kanilang ina. Parehas lang ang ma­ tatanggap ng ina sa ka­nila. Ito ang nakasaad sa batas (Arts. 777, 888 and 892 Civil Code). At dahil hindi pa nahahati ang ari-ariang naiwan ng ama, kapwa sila may-ari nito. Hindi galing sa kanilang ina ang karapatan kundi sa kanilang namatay na ama. Ang interes nila sa ari-ariang binatak ng sheriff ay hiwalay sa interes ng kanilang ina kaya nararapat lang na magsampa sila ng kaso upang protektahan ang kanilang interes sa pamamagitan ng paghingi sa korte na ipawalang-bisa ang naganap na auction sale. Dapat ang kalaha-ting parte ng kanilang ina lamang ang ibinenta sa auction sale (Suarez vs. Court of Appeals, 213 SCRA 397).

SOURCE: Jose C. Sison (IKAW AT ANG BATAS!). February 28, 2012 - 12:00am. Hindi babayaran ng anak ang utang ng ina. philstar.com/opinyon/2012/02/28/781536/hindi-babayaran-ng-anak-ang-utang-ng-ina.

Dear Atty. Claire,

Ask ko lang po namatay ‘yung mother ko at bigla na lang lumabas na may utang siya sa isang tao. Sulat kamay at pirmado ng mother ko at ng inutangan niya daw. Ito ay nasa isang index card at ang nakakaalam lang ng utang ay silang 3 lang, ang mother ko ‘yung mag-asawang inuta­ngan. Nu’ng namatay ang mother ko sinabi sa amin ng inutangan ang tungkol dito. Ngayon po may legal responsibilities pa ba kaming pamilya. Buhay pa po ang father ko.

Marami pong sa­lamat,
Andrew

SOURCE: Atty. Claire Castro. Abante Tonite. Namatay na nanay may utang. Jul 21, 2019. tonite.abante.com.ph/namatay-na-nanay-may-utang.

Mr. Andrew,

Kung totoong nakautang ang nanay ninyo ay mananatiling utang niya ito at dapat bayaran. Ang tanong ay kung saan kukunin ang pambayad at sino ang may obligasyon na magbayad. Ang naiwang mga kamag-anak ba ay dapat na singilin sa utang ng namatay na mahal sa buhay?

Kung ang utang ay tunay at hindi gawa-gawa lamang ay dapat mabayaran ito ngunit ang pambayad ay manggagaling sa ari-arian ng nanay mo. Halimbawa ay may naiwang pera sa bangko o kaya naman ay may personal na gamit na maaaring ibigay na pambayad. Kung walang anumang naiwan na ari-arian ang nanay mo ay hindi ito maaaring singilin sa naiwang kamag-anak dahil ang utang ay hindi namamana. Kung ang pera na inutang ay napakinabangan ng pamilya ay dapat na mapatunayan muna ito ng nagpautang at kung sakaling mapatunayan na nagamit ng nanay mo ang pera para magbenepisyo ang pamilya ay maaaring singilin ito sa conjugal property ng mag-asawa (nanay at tatay mo) kung mayroon man. Kung walang ari-arian ay walang magagawa ang nagpautang.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 9220245/5142143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com. SOURCE: Atty. Claire Castro. Abante Tonite. Namatay na nanay may utang. Jul 21, 2019. tonite.abante.com.ph/namatay-na-nanay-may-utang.

Popular Posts